Hiniling ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) at direktor nitong si Melvin Matibag na umatras sa imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsiyon laban sa pamilya Duterte na ibinunyag ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.
Sinabi ni REP Duterte na kuwestiyonable ang pagiging patas ni Matibag matapos nitong ilarawan bilang halos totoo ang mga alegasyon ni Gracioso habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon. Iginiit din niyang hindi siya nabigyan ng kopya ng affidavit bago ito isinapubliko.
Kabilang sa mga alegasyon ni Gracioso ang umano’y paghahatid ng bilyun-bilyong pisong cash sa mga maleta at mga regalo kina Vice President Sara Duterte at iba pang miyembro ng pamilya, sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
Binanggit din ni Pulong ang mga nauna umanong kritisismo ni Matibag laban sa bise presidente bilang dahilan upang kuwestiyunin ang kanyang pagiging obhetibo. Nauna nang nagsampa ang kongresista ng libel at cyberlibel complaints laban kay Matibag at iba pang personalidad. Ang kaso ay inilipat sa regional prosecutor matapos hilingin ni Matibag na mag-inhibit ang Davao City prosecutor dahil sa umano’y ugnayang pampamilya.













