-- Advertisements --

Rehas na bakal ang kinahantungan ng isang lotto outlet teller matapos salakayin ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang puwesto sa Caloocan City na ginagamit palang front sa iligal na sugal nitong Miyerkules, Nobyembre 4.

Bitbit ang surveillance report, isinagawa ng PCSO at NBI Fraud and Financial Crimes Division sa pamumuno ni Chief Palmer Mallari ang operasyon sa Camarin Road matapos mabukgar sa isang test-buy na nag-iisyu ang outlet ng pekeng tiket at tumatanggap ng pusta gamit ang GCash.

Agad na inaresto ang teller at nakumpiska ng mga operatiba ang tinatayang P5,000 pusta, isang cellphone, pekeng tiket, at ang buong lotto terminal hardware kabilang ang PC monitor, optical scanner, printer, at modem.

Nasamsam din sa nasabing raid ang 25 rolyo ng thermal receipt paper, pitong kahon ng ticket rolls para sa iba’t ibang laro tulad ng 3D at Grand Lotto 6/55, kasama ang mga agent’s settlement form at abstract ng mga transaksyon.

Mariing nagbabala si PCSO General Manager Melquiades Robles na zero-tolerance ang ahensya sa panloloko dahil ang bawat pusta sa lehitimong laro ay idinidirekta sa mga pambansang programang pangkalusugan, medikal, at kawanggawa.

Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCSO sa NBI upang higpitan ang pagbabantay sa buong bansa, habang hinimok ang publiko na tumaya lamang sa mga opisyal na terminal at isumbong ang mga outlet na gumagamit ng alternatibong payment apps.