Inaasahang mag-iisyu ng ‘subpoena’ ang National Bureau of Investigation laban sa ‘pet crematorium’ o mga nasa likod ng nadiskubreng pagtatapon ng mga labi ng hayop sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, maaari nilang ipa-subpoena ang mga indibidwal o responsable sa kaso upang hingan ng mga dokumento.
Sa kasalukuyan kasi ay nagpapatuloy na ang imbestigasyon ng kawanihan at nakausap na rin mismo ng direktor maging ang mga pet owner na naghain ng reklamo at mga non-government organization.
Patuloy din ang pagkalap ng mga ebidensya, pagsuri sa mga video footage, at paghahanda na mabisita ang mga lugar na may kaugnayan sa kaso.
Posible umanong maharap sa patung-patong na mga reklamo ang kontrobersyal na ‘pet crematorium’ katulad ng betrayal of public trust, estafa, at paglabag sa batas pangkalikasan.
Ibinahagi naman ni Bacoor City Mayor Strike Revilla na aabot na sa higit dalawang daan ‘complainants’ ang natanggap ng pulisya sa lungsod.
Seseguraduhin umano nila na hindi na mauulit ang pangyayari.
Habang kanya namang ibinahagi ang plano o target na pagkakaroon ng sariling pet crematorium ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor.
Layon aniya rito na makapaghatid ng maayos, mapagkakatiwalaan at abot-kayang serbisyo para sa mga ‘fur babies’ o mga hayop.













