Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na may nakalaang pondo sa 2026 national budget para sa mga hakbang laban sa El Niño, naglatag din ang ahensya ng P61.99-bilyong plano upang maprotektahan ang produksyon ng pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, kinumpirma ni DA Assistant Secretary U-Nichols Manalo na maaaring gamitin ang pondo mula sa 2026 General Appropriations Act para sa mga programa.
Kabilang dito ang P6.2 bilyong naunang inilabas sa ilalim ng UPLIFT program, pinakamalaking bahagi ng plano ang P35 bilyon para sa mga binhi, pataba at iba pang pangangailangan sa pagtatanim.
Kabilang din sa mga hakbang ang rehabilitasyon ng irigasyon, solar-powered irrigation, maliliit na imbakan ng tubig at cloud seeding upang makatulong sa mga lugar na kulang sa suplay ng tubig.
May nakalaang tulong din para sa mga alagang hayop, manok at palaisdaan, gayundin sa crop insurance at pautang upang mabawasan ang pagkalugi ng mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang sa UPLIFT ang humigit-kumulang P3 bilyon para sa ayuda sa gasolina ng mga magsasaka, mangingisda at truckers. Samantala, humihingi pa ang DA ng karagdagang P371 milyon para sa cloud seeding at pagkontrol sa pesteng sumisira sa mga taniman ng tubo.
May panukala ring P10 bilyong pondo para sa tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa 2027, habang palalakasin ang pagbabantay sa presyo, transportasyon at Kadiwa program upang mapanatiling abot-kaya ang pagkain.














