-- Advertisements --

Sumipa na sa 250 pet owners ang naghain ng reklamo laban sa isang Pet Crematorium sa Bacoor City kaugnay ng umano’y iregularidad sa paghawak sa mga labi ng mga alagang hayop.

Ayon kay Bacoor City Police Station chief Alexie Desamito, batay sa impormasyong ibinahagi ni Bacoor Mayor Strike Revilla, nasa 250 na ang bilang ng mga complainant na pormal na lumapit sa pulisya.

Sa paunang bahagi ng imbestigasyon, 20 lalagyan ng abo mula sa mga alagang hayop ang isinumite ng mga complainant sa mga awtoridad.

Kasalukuyan nang sumasailalim sa forensic examination ng Philippine National Police Forensic Group ang mga naturang abo upang makatulong sa pagtukoy sa mga labi ng mga hayop.

Samantala, 29 bangkay ng aso at pusa ang narekober sa isang operasyon sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Sa naturang bilang, siyam na bangkay pa lamang ang positibong nakilala ng kani-kanilang mga pet owner habang nagpapatuloy ang beripikasyon at pagkilala sa mga natitirang labi.

Matatandaang iniutos ni Revilla ang pagsasara sa naturang pet crematorium matapos maiugnay ang establisimyento sa mga reklamo ng mga pet owner na nagbayad para sa cremation service ngunit hindi umano natiyak kung wastong naisagawa ang serbisyo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga posibleng pananagutan ng mga sangkot sa kontrobersiya.