-- Advertisements --

Kinoronahan ang pambato ng Bacoor City na si Joy Barcoma bilang Miss Philippines Earth 2025 noong Agosto 10.

Tinalo ni Barcoma ang 35 iba pang kandidata sa ika-25 edisyon ng environment-themed national pageant.

Pinalitan niya si Irha Mel Alfeche, na nag-top 12 sa 2024 Miss Earth pageant.

Bitbit ngayon ni Barcoma ang misyon na katawanin ang Pilipinas sa Miss Earth 2025 at hangaring maging ika-limang Filipina na mag-uwi ng korona sa international pageant.

Kasama niyang kinoronahan sina Liz Mabao ng Antipolo (Miss Philippines-Air), Angel Rose Tambal ng La Paz, Leyte (Miss Philippines-Water), Jaymie Strickland ng Florida, USA (Miss Philippines-Fire), at Kriezl Jane Torres ng Bukidnon (Miss Philippines-Ecotourism).

Magugunitang itinatag noong 2001, ang Miss Philippines Earth, na nagtataguyod ng adbokasiya sa kalikasan, at bahagi ng prestihiyosong Miss Earth pageant —isa sa “Big 4” na international beauty competitions sa mundo.

Ang Pilipinas ay nananatiling best-performing country sa Miss Earth, na may apat na titulo mula kina Karla Henry (2008), Jamie Herrell (2014), Angelia Ong (2015), at Karen Ibasco (2017).