Nakatakdang sampahan ng kasong cyber libel ni dating Senator Antonio Trillanes IV ang ilang personalidad at mga dating sundalo na nagpapakalat umano ng malisyosong impormasyon na tumanggap siya ng suhol na $2 milyon upang isulong ang imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC.
Sa pamamagitan ng isang matapang na pahayag, mahigpit na pinabulaanan ng dating mambabatas ang mga paratang na galing diumano ang pondo kay Zaldy Co para pondohan ang pag-usig kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“I vehemently deny that I received $2M or any amount from Zaldy Co for the ICC investigation or any other purpose. This is an attempt to discredit the ongoing ICC proceedings against duterte,” giit ni Trillanes.
Tinukoy ng dating senador ang mga indibidwal na kanyang kakasuhan, kabilang sina Levi Baligod, Mike Defensor, at Jay Sonza.
Ayon kay Trillanes, ang mga ganitong uri ng paninira ay isang malinaw na hakbang upang sirain ang kredibilidad ng patuloy na pag-iimbestiga ng pandaigdigang hukuman.
Gayunpaman, binigyang-diin niyang hindi siya magpapagambala sa mga isyung ito.
“I will be filing cyberlibel cases against Levi Baligod, Mike Defensor, Jay Sonza, the 18 ex-soldiers, and all those who are maliciously circulating this blatant lie. This is not new to me. I will not be distracted. Hahabulin ko kayo,” banta ng dating senador.
















