Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng dalawang criminal complaints sa Department of Justice noong Oktubre 14 laban sa dalawang negosyo dahil sa hindi pagbabayad ng assessed tax liabilities na nagkakahalaga ng P45.07 milyon para sa taxable years 2017 at 2018.
Kabilang sa mga pormal na inakusahan ang Interserve Management & Manpower Resources, Inc. (IMMRI) kasama ang mga responsible corporate officers nito, at ang may-ari ng V.A.T. Coconut Dealer dahil sa umano’y paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code of 1997 dahil sa willful failure to pay taxes.
Ayon sa BIR, nag-ugat ang kaso ng IMMRI sa P33,131,844.06 na unpaid income tax at value-added tax noong 2017 na ayaw pa ring bayaran sa kabila ng audit at mga ipinadalang demand letter, habang P11.9-M naman ang utang ng V.A.T. Coconut Dealer para sa 2018 na ginawaran na ng warrant of distraint and/or levy noong Marso 6, 2024.
Ibinahagi ng kawanihan na ang dalawang demanda ay isinagawa sa ilalim ng kanilang Run After Tax Evaders (RATE) program, kung saan nakapagsampa na sila ng 361 RATE cases sa DOJ mula Enero hanggang Setyembre 2026 na may kabuuang tax exposure na P35.16 bilyon.
Muling binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na bagamat isinusulong ng kawanihan ang voluntary compliance, hindi sila mag-aatubiling magpatupad ng legal action laban sa mga sadyang lumalabag sa batas upang protektahan ang interes ng mga tapat na taxpayers.














