Nagtungo si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos sa New Bilibid Prison (NBP) noong Oktubre 20, 2026, upang dumalo sa programang “Kulay, Kalinga, Katarungan at Kalayaan” ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Umabot sa 44 na Persons Deprived of Liberty (PDL) ang pinalaya sa New Bilibid Prison (NBP) bilang bahagi ng programang “Kulay, Kalinga, Katarungan at Kalayaan” na naglalayong palakasin ang rehabilitasyon at pagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa mga persons deprived of liberty.
Sa pangunguna ng Bureau of Corrections (BuCor), sa ilalim ni Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., isinagawa ang iba’t ibang aktibidad na kinabibilangan ng art workshop, serbisyong medikal, tulong pangkabuhayan, at legal assistance.
May kabuuang 857 PDL ang nabigyan ng serbisyong legal sa tulong ng 227 boluntaryong abogado, habang 427 ang nakatanggap ng serbisyong pangkalusugan at pangkabuhayan. Samantala, 43 PDL ang lumahok sa mga aralin sa pagpipinta bilang bahagi ng kanilang personal na pag-unlad.
Sa 44 na pinalaya, isa ang natulungan sa pamamagitan ng legal assistance sa ilalim ng Katarungan program.














