Lumabas sa audit report ng Commission on Audit (COA) na siksikan ang halos 70 porsyento ng mga kulungan sa Pilipinas.
Nagreresulta ito sa hindi magandang kondisyon ng pamumuhay ng persons deprived of liberty (PDLs).
Base sa 2024 audit report ng COA sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), nasa 336 mula sa 484 jail facilities sa buong bansa ang congested, na may rates na pumapalo mula 1 hanggang 2,141 %, lagpas sa standrads na itinakda ng BJMP at UN Standards Minimum Rules for the Treatment of Prisoners.
Batay sa report, ang pinaka-congested na piitan ay sa Biñan City Jail – Male Dormitory (2,141 percent), Muntinlupa City Jail – Male Dormitory (2,029 percent), at sa Dasmariñas City Jail – Female Dormitory (1,749 percent).
Nasa mahigit 113,000 bilanggo ang nakakulong sa mga piitan, kung saan hindi akma ang actual cell area sa itinakdang standard.
Karamihan o nasa 88% ng mga bilanggo ay nagaantay ng kanilang trial o pinal na hatol sa kanilang kaso habang nasa 10 porsyento ang isinisilbi ang kanilang sentensiya ng mababa sa tatlong taon at dalawang porsyento ang nagsisilbi ng mas mahabang taon ng kanilang sentensiya.
Para matugunan ang sisikan sa mga piitan, tiniyak ng BJMP na magpapatupad ito ng mga hakbang gaya ng pagpapalaya sa mga detainee sa ilalim ng plea bargaining framework ng Korte Suprema para sa small-quantitiy ng illegal drugs cases, Recognizance Act of 2012 ar Good Conduct Time Allowance Law.
Inihayag din ng bureau sa COA na patuloy ang kanilang paghingi ng karagdagang pagpopondo para sa pagbili ng lupa, konstruksiyon at pagpapalawak pa ng jail facilities sa tulong na rin ng mga lokal na pamahalaan.
















