-- Advertisements --

Inihayag ng abogado ni Ramil Madriaga na umano’y may alok na gantimpala na mula P500,000 hanggang P5 milyon para sa sinumang makapatay sa kanya sa loob ng kulungan. Si Madriaga ay itinuturo umanong dating bagman ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa kampo ni Madriaga, nakatanggap ito ng mga babala mula sa kapwa detainees at ilang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) hinggil sa umano’y banta. Binanggit din ang insidente noong Marso 2 sa Metro Manila District Jail Annex 2 kung saan hinarang umano siya ng isang kapwa preso.

Gayunman, iginiit ng BJMP, sa pamamagitan ni spokesperson Jayrex Bustinera, na wala silang nakikitang aktuwal na banta sa buhay ni Madriaga. Aniya, simpleng banggaan lamang ang nangyari at walang karahasan.

Bilang dagdag na seguridad, inilipat si Madriaga sa ibang selda at pinayagan ang presensya ng tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa transparency.

Si Madriaga ay posibleng testigo sa impeachment complaints laban kay Duterte. Noong 2025, naghain siya ng affidavit sa Office of the Ombudsman na nag-uugnay sa Bise Presidente sa umano’y pamamahagi ng malaking halaga ng pera, paratang na itinanggi ni Duterte, na nagsampa rin ng kasong perjury laban sa kanya. (report by Bombo Jai)