Arestado ang isang babae matapos makuha mula rito ang tinatayang P204M halaga ng pinaghihinalaang shabu sa Brgy. BF International, Las Piñas sa isinagawang buy-bust operation nitong Sabado, Setyembre 19.
Batay sa operasyon ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang ahensiya, naaresto ang 40 años na babae na itinuturing high-value drug suspect na si alyas “Girlie.”
Narekober sa kanya ng pulisya ang 30 kilo ng white crystalline substance na umano’y methampethamine hydrochloride o shabu.
Nasa ilalim naman na ng kustodiya ng Las Piñas City Police Station ang nasabing suspek para sa kaukulang dokumentasyon. Nakatakda rin itong ilipat sa Camp Crame.
Nai-turn over na rin ang nakumpiskang droga sa Forensic Group Southern Police District sa Taguig City para sa laboratory examination.
Samantala, mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
















