-- Advertisements --

Uusad na sa quarterfinals ng 2026 Hong Kong Open ang Filipina tennis star na si Alexandra Eala matapos talunin si Tereza Valentova ng Czech Republic sa Round of 16 nitong Huwebes.

Nagtapos ang laban sa iskor na 6-4, 7-6 (9-7) pabor kay Eala matapos ang 1 oras at 54 na minutong bakbakan.

Sa unang set, agad na nakalamang si Eala sa 3-0, ngunit nakabawi si Valentova at naitabla ang iskor sa 4-4. Gayunpaman, nanatiling matatag ang Filipina at nakuha ang set sa iskor na 6-4.

Sa ikalawang set, si Valentova naman ang nanguna matapos makalamang ng 4-2. Subalit nakahabol si Eala at naitabla ang laban sa 5-5, dahilan upang umabot ito sa tiebreak.

Nakapagtala si Eala ng 5-0 na kalamangan sa tiebreak, ngunit nakabawi pa si Valentova at naisalba ang tatlong match points. Sa huli, nanaig ang Filipina tennis star sa iskor na 9-7 upang tuluyang selyuhan ang panalo.

Sa quarterfinals, haharapin ni Eala si Antonia Ruzic ngayong Biyernes para sa puwesto sa semifinals ng torneo.