-- Advertisements --

Malugod na tinanggap ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pag-amin ng broadcaster na si Ramon Tulfo na mali ang mga pahayag nito tungkol sa umano’y palihim na paglabas ng dating lider ng Kamara sa New Quezon City Jail.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Romualdez, inamin ni Tulfo na maling impormasyon ang natanggap niya mula sa isang source at hindi niya ito napatunayan bago inilathala.

Binanggit din ni Fajardo ang testimonya ni Jail Superintendent Pacion na itinanggi ang alegasyong lumalabas ng kulungan si Romualdez at gumagamit ng ambulansiya o iba pang sasakyan para sa mga hindi awtorisadong biyahe.

Matatandaang naglabas si Tulfo ng Facebook post noong Nobyembre 3 na nagsasabing palihim umanong lumalabas at bumabalik sa kulungan si Romualdez. Kalaunan, inamin ng broadcaster na mali ang impormasyong inilathala niya at tinawag itong gawa-gawa.

Nagpadala rin ang mga abogado ni Romualdez ng demand letter noong Nobyembre 4 na humihiling kay Tulfo na itigil ang pagpapakalat ng alegasyon, burahin o itama ang post at huwag nang ulitin ang naturang pahayag. Nagbabala rin ang mga abogado ng posibleng legal na hakbang kapag hindi ito sinunod.

Ayon kay Fajardo, ipinakita ng insidente ang kahalagahan ng pagberipika ng impormasyon bago ito ilathala, lalo na kung seryoso ang mga paratang na ibinabato sa isang indibidwal.

Dagdag niya, nananatiling nakadetine si Romualdez at sumusunod sa mga patakaran ng pasilidad at awtoridad ng hukuman.