Nagbabala si Senator-Judge Alan Peter Cayetano na maaaring mauwi sa mistrial ang impeachment trial ni vice president Sara duterte kung babaguhin ang voting threshold habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Ayon kay Cayetano, dapat manatili ang rules na itinakda sa simula ng trial hanggang sa huling bahagi nito.
Iginiit niyang ayaw niyang mabasura ang mga naging trabaho at proceedings ng senate impeachment court dahil lamang sa pagbabago ng voting requirement.
Sa kasalukuyang ruling ni Presiding Officer Francis Escudero, kailangan ang 16 na boto para ma-convict ang Bise Presidente, katumbas ng two-thirds ng buong 24-member Senate.
Muling nabuksan ang usapin matapos kuwestiyunin ni Sen. Erwin Tulfo kung dapat isama sa bilang ang mga senator-judge na hindi makadalo o makalahok sa proceedings.
Dahil dito, humingi ang impeachment court ng opinyon sa mga retired Supreme Court magistrates na nagsilbing Amici Curiae tungkol sa interpretasyon ng constitutional requirement na “Two-thirds of all the members of the Senate.”
Sinabi ni Cayetano na nirerespeto niya ang mga legal experts ngunit naniniwalang ang mga constitutional questions ay dapat resolbahin ng Supreme Court.
Nakatakdang dinggin sa Setyembre 23 ang oral arguments ng prosecution at defense bago magpasya ang mga senator-judge kung pananatilihin o babaguhin ang 16-vote ruling.
















