-- Advertisements --

Kinuwestiyon nina House prosecution panel member Terry Ridon at private counsel Benjamin Tolosa kung bakit Hindi pinapagpaliwanag ng impeachment court si Vice President Sara Duterte sa pahayag nitong kontrolado umano ni Pangulong Ferdinand Marcos JR. ang mga senador, hukom at pulis.

Ayon kay Ridon, posibleng lumabag sa sub judice rule ang naturang pahayag dahil umano sa epekto nito sa integridad ng senado.

Sinang-ayunan naman ito ni Tolosa at tinawag na pag-atake sa integridad ng impeachment court.

Nauna nang pinagsumite ng Impeachment Court ng paliwanag sina Ridon at Tolosa kaugnay ng kanilang mga pahayag tungkol sa nagpapatuloy na paglilitis.

Sa kanilang tugon, iginiit nilang hindi nila tinalakay ang merito ng kaso at nakatuon lamang sa mga usaping pamamaraan at mga bagay na naitala na sa proceedings.

Sinabi ni Tolosa na wala sa kanilang mga pahayag ang pagsusuri sa credibility ng mga testigo, bigat o sufficiency ng ebidensya, legal na bisa ng mga impeachment article, o kung dapat bang mahatulan ang bise presidente.

Samantala, iginiit ni Ridon na ginawa niya ang kanyang mga pahayag bilang bahagi ng tungkulin bilang miyembro ng house prosecution panel at upang ipaalam sa publiko ang progreso ng impeachment trial, nang walang layuning pangunahan ang desisyon ng mga senator-judge.