Naglabas na ng panuntunan para sa Simbang Gabi si Manila Archbishop Jose Advincula nitong Huwebes bilang paghahanda sa nalalapit na holiday season.
“As we approach the conclusion of the liturgical year and prepare to usher in a new one, we look forward with joyful hope the celebration of the Nativity of the Lord Jesus,” saad ng Arsobispo sa pahayag.
Ang Misa de Aguinaldo o mas kilala bilang “Simbang Gabi” ay isang novena o siyam na konsekutibong araw ng pagdasal at pagsisimba sa paghahanda sa pagpapanganak kay Hesu Kristo na kilala bilang tanyag na tradisyon ng Katolikong Pilipino tuwing sasapit ang Kapaskuhan.
Batay naman sa liturgical calendar ng Simbahang Katoliko, ang pagdiriwang sa Feast day of Christ the King sa Nobyembre 22 ang magsisilbing pagtatapos ng liturgical year at pagsisimula ng Advent season sa Nobyembre 29.
Magsisimula naman ang selebrasyon ng Simbang Gabi novena sa darating na Disyembre 16, 2026 at magtatapos sa bisperas ng Kapaskuhan sa Disyembre 24.
Narito rin ang mga patuntunang ibinaba ng Arsobispo, katuwang ang rekomendasyon ng Presbyteral Council at ng Archdiocesan Liturgical Commission:
- Maaaring magsimula ang mga Simbang Gabi ng 6:00 p.m. para sa evening masses at 5:30 a.m. naman para sa mga morning masses.
- Papayagan na ang “anticipation” o ang paunang pagdiriwang ng Misa para sa susunod na araw tuwing evening masses, maliban sa araw ng Linggo bilang pagkilala sa natatanging kahalagahan ng misa tuwing Linggo. Kaugnay nito, maaari nang gamitin ang mga pagbasa at panalangin para sa susunod na araw sa mga evening masses mula Lunes hanggang Sabado. Samantala, sa mga Misa naman tuwing Linggo ng gabi, mananatili pa rin ang mga pagbasa at panalanging nakalaan para sa nasabing araw.
- Aawitin o dadasalin ang Gloria, at white vestments ang gagamitin sa lahat ng Misa de Gallo o Simbang Gab i— kabilang ang mga idinaraos tuwing araw ng Linggo. Samantala, ang Creed naman ay dadasalin lamang tuwing Linggo.
- Sa mga Simbang Gabi na idinaraos tuwing Linggo, gagamitin ang mga panalangin at pagbasa na nakalaan para sa nasabing araw. White vestments ang isusuot ng pari, at aawitin o dadasalin ang Gloria at Creed. Samantala, sa ibang mga Misa tuwing Linggo na hindi bahagi ng Simbang Gabi, lila o violet vestments ang gagamitin, at hindi na aawitin o dadasalin ang Gloria.
- Samantala, kailangan namang kumuha ng malinaw na pahintulot mula sa Arsobispo ng Maynila kung ang Simbang Gabi ay idaraos sa mga kapilya, opisina, o iba pang lugar bukod sa simbahan ng parokya, dambana, chaplaincy, at mga kapilyang kinikilala ng parokya kung saan regular na nagdaraos ng misa.









