-- Advertisements --

Itinakda ng Sandiganbayan Sixth Division ang pagsisimula ng paglilitis sa Marso 3 laban kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng umano’y substandard na P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Sa kautusang may petsang Pebrero 10 at inilabas kahapon, Pebrero 16, sinabi ng korte na tapos na ang pagdinig sa petisyon para sa piyansa ng siyam na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos ihayag ng prosekusyon na wala na itong ihaharap na testimonial evidence.

Binigyan ang prosekusyon at depensa ng tig-dalawang araw upang magsumite ng kani-kanilang dokumento at komento bago resolbahin ang bail petition.

Itinakda rin ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon sa Marso 3 at 5, at susundan ito tuwing Martes at Huwebes alas-8:30 ng umaga.

Sa isinagawang bail hearing, nagpatotoo si Victoriano Acosta ng Commission on Audit (COA) Region IV-B na naglabas ang komisyon ng notice of disallowance na P84 milyon mula sa P289-milyong pondo dahil umano sa hindi pagsunod sa plano at specifications ng proyekto.

Gayunman, sinabi ng depensa na maaari pa itong iapela at hindi pa pinal na desisyon, bagay na kinilala naman ng auditor.