-- Advertisements --

Muling ipatutupad ng Senate Impeachment Court ang Rule 18 o sub judice rule sa lahat ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang mga artikulong nauna nang inurong ng prosekusyon. 

Sa bagong ruling ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ngayong araw, muling iniutos ng impeachment court sa lahat ng partido na iwasang maglabas o magpahayag sa publiko ng mga usapin na may kinalaman sa merito ng lahat ng artikulo, nakabinbin man ito o binawi na. 

Ito kay kasunod ng manipestasyon na inihain ng depensa noong November 4, kung saan iginiit ng kampo ni Duterte na hindi nito isinusuko ang Rule 18, at dapat itong panatilihin upang mapangalagaan ang integredad ng paglilitis at mga karapatang konstitusyonal ng bise Presidente. 

Sa ilalim ng Rule 18, hindi dapat magbigay ng pampublikong komento o maglabas ng impormasyon tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment trial ang lahat ng panig ng senator-judges, prosekusyon, defense team maging ang kanilang mga abogado.

Dahil dito, nagbabala mulli ang korte na ang sinumang lalabag sa kautusan ay papatawan ng kaukulang parusa alinsunod sa mga alituntuning itinakda sa naunang ruling.

Matatandaan noong Oktubre 13, binawi ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte, kabilang dito ang Article I o umano’y maling paggamit ng confidential funds, article III tungkol sa bribery at article 4 o may kaugnayan naman sa grave threats. 

Sa kasalukuyan article 2 o ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise Presidente na lamang ang nakabinbin sa korte na siyang sasagutin naman ng depensa sa kanilang presentation of evidence sa Nobyembre 9.