-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na mananatili ang 14 na pulis na umano’y dawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa PNP custodial center.

Ito ay habang nakabinbin pa ang desisyon ng korte sa kanilang paglipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon kay PNP-CIDG Director MGen. Robert Morico II, naghain ng mosyon ang mga police officer sa korte na manatili sa kustodiya ng PNP, na pinagbigyan pansamantala habang dinidinig pa ang petisyon.

Nilinaw naman ni CIDG-NCR chief Col. John Guiagui na pansamantala ang kanilang pananatili sa kustodiya ng PNP at nakadepende sa desisyon ng korte kung ililipat sila sa Sta. Cruz o sa Lipa.

Paliwanag pa ng police officer na hindi nila ito desisyon o kagustuhan, sa katunayan, nais nilang mailipat ang mga ito dahil na rin sa nagpapatuloy na konstruksiyon sa pasilidad.

Samantala, tiniyak din na nananatiling aktibo ang paghahanap sa puganteng si Charlie “Atong” Ang, na itinuturong utak umano sa likod ng pagkawala at pagpatay sa mga sabungero.