Tinanggap na ng Malacañang ang pagbibitiw sa pwesto ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguda ngayong Sabado, Oktubre 10 matapos itong kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.
Kasunod ito ng iba’t ibang kontrobersyang kinakaharap ng ahensya.
Ang pagbaba sa pwesto ni Aguda ay kasunod ng matinding batikos sa ahensya dahil sa pansamantalang pag-block sa digital platform na Discord, pati na rin ang patuloy na imbestigasyon ng Ombudsman sa umano’y anomalya sa Free Wi-Fi initiative ng pamahalaan.
Dahil dito, ilang pangalan na maaring pumalit bilang bagong kalihim ng DICT ang pinagpipilian.
Una rito si David “Dave” Almirol Jr., ang kasalukuyang DICT Undersecretary for e-Government at founder ng Multisys Technologies na kilala sa pagbuo ng mga software solution at paghawak ng digital infrastructure ng bansa.
Kasama rin sa mga pinagpipilian sina Atty. Edwin Lacierda, dating presidential spokesperson at co-founder ng fintech firm na PayMongo at si Atty. Alexander “Aboy” Paraiso, ang Executive Director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC.
Tinitingnang matunog na kandidato si Undersecretary Dave Almirol dahil sa kanyang malawak na karanasan sa teknolohiya. Bago pumasok sa pamahalaan, binuo niya ang Multisys Technologies kung saan namuno siya sa pagbuo ng mga malalaking digital platform, system architecture, at modernong teknolohiya tulad ng blockchain.
Sa kanyang pwesto ngayon sa DICT, pinalakas ni Almirol ang pagpapatupad ng eGovPH Super App ang pangunahing proyekto na naglalayong pagsamahin ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa iisang platform lamang.
Sa pamamagitan ng eGovPH app, mas pinadali ang access ng pampublikong serbisyo, pinalakas ang digital verification, binawasan ang bureaucracy o red tape at mas pinabilis ang mga transaksyon sa gobyerno gamit ang digital payment channels.
Sino man ang piliin ng administrasyon, isang kilalang technocrat, fintech pioneer, o legal strategist ay nananatiling malinaw ang pangunahing mandato ng DICT at ito ay maghatid ng mabilis, ligtas, at modernong digital infrastructure para sa bawat Pilipino.














