-- Advertisements --

Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda, ngunit ipinagpaliban umano ng Malacañang ang anunsiyo habang naghahanap ng kapalit nito.

Sa isang panayam, sinabi ni Marcos na nais muna ng Palasyo na matukoy ang susunod na mamumuno sa Department of Information and Communications Technology (DICT) bago pormal na ipahayag ang pagbibitiw ni Aguda.

Gayunman, nauna nang ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pagbibitiw ng kalihim bago pa ito pormal na maipahayag ng Malacañang.

Ipinahiwatig din ni Marcos na maaaring may kaugnayan sa nagpapatuloy na imbestigasyon ni Remulla sa mga alegasyon ng mga pekeng proyekto sa internet connectivity ang naunang paglalabas ng impormasyon.

Nilinaw din ng pangulo, magkahiwalay na tinutugunan ng Malacañang at ng Office of the Ombudsman ang kani-kanilang usapin kaya hindi nagtugma ang panahon ng kanilang mga anunsiyo.

Gayunman, hindi tinukoy ni Marcos kung sino ang ipapalit kay Aguda. Hindi rin niya tahasang sinabi na ang imbestigasyon ang dahilan ng pagbibitiw ng kalihim.

Noong Sabado, inanunsiyo ni Remulla na nagbitiw na si Aguda at tinanggap na ito ng pangulo. Tatlong araw bago nito, sinabi naman ni Palace press officer Claire Castro na nananatili pa sa puwesto si Aguda.

Itinalaga si Aguda bilang kalihim ng DICT noong Marso 2025, bilang kahalili ni Ivan Uy.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyekto ng pamahalaan para sa internet connectivity, kabilang ang mga paratang na ginastos ang pondo ng bayan para sa mga serbisyong hindi naman naibigay. | via Bombo Angelo Aganan