-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na binawi na ang pag-ban sa ‘messaging platform’ na Discord.

Ayon kay CICC Executive Director Usec. Renato ‘Aboy’ Paraiso, ipinag-utos na ng ahensya ang pagbawi sa pag-ban ng naturang ‘online platform’.

Kasunod aniya ang naging desisyon matapos ang matagumpay na pagpupulong isinagawa ng ahensiya at mga opisyal ng Discord.

Napag-usapan at napagkasunduan ang pakikipagtulungan ng ‘messaging platform’ sa pamahalaan upang mapalakas ang pagprotekta sa mga kabataan.

Binigyan aniya sila ng ‘green lane’ para mapahintulutan ang ahensiya na ma-track at ma-monitor ang mga kahina-hinalang aktibidad online.

Ngunit sa kabila ng positibong ulat, humingi ng pasensya si Usec. Paraiso sa lahat ng mga naapektuhan at naabala dahil sa ilan oras naka-ban ang ‘messaging platform’.

Ayon naman kay DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, ang kautusan pag-ban sa naturang ‘online platform’ ay hindi umano naging madali para sa kanila.

Ibinahagi pa ng kalihim na may kaugnayan ang naging hakbang sa tumataas na bilang ng mga naitatalang kaso ng NVE o Nihilistic Violent Extremism.

Habang si Usec. Aboy Paraiso ay naniniwalang mas madaling maipaliwanag ang sitwasyon sa mga naapektuhan kaysa mga magulang na nawalan ng anak ukol sa mga insidente.