-- Advertisements --

Tiniyak ni bagong talagang Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary at dating Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer (CEO) Robert Joseph De Claro na agad siyang kikilos upang pagsilbihan ang mamamayan at matugunan ang mga suliraning kinakaharap ng ahensya.

Pinalitan ni De Claro si dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda kasunod ng pag-apruba ng Malacañang sa kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Ayon kay De Claro, magsasagawa siya ng masusing pagsusuri sa lahat ng mga proyekto, badyet, at sistema ng procurement ng ahensya.

Binigyang-diin ng bagong kalihim na sa ilalim ng kanyang pamumuno, titiyakin niyang laging mauuna ang pag-iwas o prevention sa mga usapin at suliraning maaaring kakaharapin ng ahensya.

Nangako rin siya sa publiko na sa loob ng susunod na tatlong buwan ay magkakaroon na ng malinaw na plano kung paano dadalhin ang ahensya sa tamang direksyon na dapat nitong patunguhan.

Kasabay nito, natanong din si De Claro kaugnay sa isyu ng umano’y “ghost internet” sa bansa na kasalukuyang pinaiimbestigahan sa Office of the Ombudsman.

Paliwanag niya, mayroong humahawak na mga provider sa paglalagay ng internet sa iba’t ibang lugar, kung saan humigit-kumulang 12,000 sites na ang naikabit ngayong taon.

Target ng ahensya na maabot ang 20,000 sites bago matapos ang taon, kaya hiningi ni De Claro ang tulong ng mga service provider upang mabantayan at matiyak na gumagana nang maayos ang mga kagamitang nakakabit sa bawat probinsya.