-- Advertisements --

Isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources-National Capital Region (DENR-NCR) ang mas malawak na paggamit muli ng tubig sa mga industriya upang makatulong na maiwasan ang kakulangan sa suplay sa Metro Manila.

Kabilang rito ang pagre-recycle ng wastewater o maruming tubig, gayundin ang paggamit muli ng treated wastewater o tubig na dumaan na sa proseso ng paglilinis.

Ayon sa kagawaran, makatutulong ang paggamit ng mga teknolohiyang nakatitipid sa tubig upang mabawasan ang pagdepende ng mga negosyo sa sariwang tubig, lalo na kung makaranas ng matinding tagtuyot.

Gayunman, iginiit ng ahensya na kailangang dumaan muna sa wastong treatment ang wastewater bago ito muling gamitin o itapon upang maiwasan ang polusyon.

Dahil dito, hinihikayat ang mga industriya at iba pang gumagamit ng malaking suplay ng tubig na magpatupad ng mas responsableng pamamahala sa tubig upang mapangalagaan ang suplay at mapigilan ang karagdagang polusyon sa Metro Manila.