-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Robin Padilla ang kredibilidad at pagiging mapagkakatiwalaan sa expert witness na si financial forensic analyst Atty. Alex Cabrera, matapos ibangon ng senador ang naging papel ng auditing firm na Isla Lipana & Company sa pagsusuri sa financial statements ng MFT Group of Companies, na iniuugnay sa umano’y P5-Bilyon na halagang tumalbog na mga tsekeng sinasabing ginamit upang dayain ang mga overseas Filipino worker.

Tinanong ni Padilla si House prosecutor Representative Chel Diokno kung alam nitong nagsilbing independent auditor ng MFT Group of Companies ang Isla Lipana & Company, kung saan naging chairman si Cabrera na isa sa tumayong testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Bilang tugon, sinabi ni Diokno na, batay sa kaniyang pagkaunawa, hindi kabilang si Cabrera sa kasong may kaugnayan sa MFT Group of Companies.

Ayon naman kay forensic expert atty. Alex Cabrera sa mga tanong ng Senador tungkol sa naturang kumpanya, sinabi ni Cabrera na ang mga legal na problema nito ay usapin ng mismong kumpanya.

Nilinaw din ni Cabrera na naging chairman umano siya ng Isla Lipana mula 2018 hanggang 2021, ngunit wala umanong kasong kinakaharap ang kumpanya sa panahong iyon.

Samantala, sa hiwalay na palitan ng mga tanong sa pagdinig, muling tinanong ni Padilla si Diokno kung buo ang kanilang tiwala kay Cabrera sa kabila ng mga isyung ibinangon kaugnay ng MFT Group of Companies.

Iginiit naman ni Diokno na buo ang kaniyang pagtitiwala sa analista. Ipinaliwanag niyang, batay sa kaniyang pagkaunawa, ang parent company ng MFT Group ang kliyente ng Isla Lipana, samantalang ang subsidiary na nagkaroon ng problema ay hindi kliyente ng auditing firm.

Sa kabila ng mga tanong ng senador tungkol sa dating posisyon ni Cabrera sa Isla Lipana, nanindigan si Diokno sa kaniyang pagtitiwala sa analista. Samantala, ang mga isyung ibinangon ay dapat suriin nang hiwalay sa kasalukuyang testimonya ni Cabrera at sa mga alegasyong tinatalakay sa impeachment trial.