Ipinatawag narin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si business leader Manny V. Pangilinan bilang bahagi ng imbestigasyon sa kontrobersyal na pagkamatay ng dalawang Ateneo de Manila University basketball players na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, halos tapos na ang imbestigasyon at inaasahan na maisasampa na ang mga reklamo sa Department of Justice sa darating na Biyernes.
Kasama rin sa mga ipinatawag ang ilang opisyal ng Ateneo de Manila University, kabilang ang presidente nitong si Father Bobby Yap, at si Father Nemesio “Nemi” Que.
Sa imbestigasyon, tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibleng papel ng ilang organisasyon at kumpanya sa pamamahala at suporta sa basketball program ng paaralan.
Mariin namang itinanggi ng MVP Sports Foundation ang pagkakaroon ng direktang pagmamay-ari sa Ateneo Men’s Basketball Team, at nilinaw na pagpopondo lamang sa koponan ang kanilang ibinibigay.
Ayon sa PNP-CIDG, nasa huling yugto na ang kanilang imbestigasyon at iilan na lamang ang hinihintay na pahayag mula sa mga dating manlalaro at ilang opisyal ng pamunuan.
















