Ipinahayag ni Presiding Officer Chiz Escudero ang kanyang pagkainip sa assisting counsel ng Prosecution matapos hindi agad maibigay ang dokumentong ipinakita ni House prosecutor Rep. Lordan Suan kay insurance firm executive Malu Salanguit.
Sa ika-35 araw ng impeachment trial, tinanong ni Escudero kung bakit walang kopya ng dokumentong ginagamit ni Suan sa pagharap sa witness.
Hinimok niya si Suan na gamitin na lamang ang sariling kopya at ipakita ito sa witness kung hindi mahanap agad ng assisting counsel ang dokumento. Giit ni Escudero, dapat ay nakahanda na ang assisting counsel para sa naturang dokumento.
Nang mangyari ang insidente, mahigit walong oras na ang itinagal ng impeachment proceedings. Umabot naman sa siyam na oras at 25 minuto ang kabuuang sesyon noong Oktubre 7, na naitalang pinakamahabang impeachment trial session laban kay VP Sara Duterte.
















