Natanggap na ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang imbitasyon mula sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa isang conference ukol sa mga pahayag ni Rudolfo Gracioso Jr. hinggil sa diumano’y paghahatid ng male-maletang pera sa pamilya Duterte.
Gayunpaman, binigyang-diin ng abogado ni VP Sara na si Atty. Paul Lawrence Lim na walang nakakabit na kopya ng sinumpaang salaysay ni Gracioso sa nakuha nilang liham mula sa kawanihan.
Dahil dito, ipinaabot ng legal counsel na hindi makapagbibigay ng anumang makabuluhang tugon o pahayag ang kanilang kliyente sa kasalukuyan habang wala pa ang naturang dokumento.
Pormal na humingi ang kampo ng bise presidente ng opisyal na kopya ng affidavits at iba pang kaugnay na kasulatan upang maayos na mapag-aralan ng kaniyang mga abogado.
Kasabay nito, pormal ding hiniling ng legal team ni VP Duterte na ipagpaliban at ilipat sa Oktubre 8 ang nakatakdang pagharap sa NBI conference.
















