-- Advertisements --

Inilunsad na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa buong bansa ang Enhanced Accounts Receivable Management System (eARMS), isang bagong digital platform na layong pagbutihin ang pagsubaybay at pamamahala sa mga delinquent tax account.

Nagsimula ang nationwide rollout ng eARMS noong Setyembre 21, 2026, kasunod ng inilabas na BIR Memorandum noong Setyembre 14, 2026.

Pinalitan ng bagong web-based system na ito ang dating Accounts Receivable Management System (ARMS) sa ilalim ng DARES reform agenda ng kawanihan, partikular sa mga prayoridad nitong Digital and Data Transformation at Revenue Collection and Base Protection.

Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, mahalaga ang tumpak at maaasahang mga talaan sa epektibong koleksyon ng buwis, at sa pamamagitan ng eARMS ay mas mabilis na masusubaybayan ang mga hindi pa nababayarang pananagutan sa buwis at matutulungan ang mga taxpayer na maiayos ang kanilang mga obligasyon nang may mas kaunting abala sa administratibo.

Nagbibigay ang eARMS ng sentralisadong pagsubaybay at pamamahala sa mga Accounts Receivable at Delinquent Accounts (AR/DA), kabilang ang mga talaan ukol sa pag-sita, pagbenta, at pag-forfeit ng mga ari-arian upang mapataas ang integridad ng datos at seguridad ng sistema sa lahat ng tanggapan ng BIR.

Dahil sa mas maaasahang mga talaan, inaasahang mas mapapadali para sa mga taxpayer na may natitirang obligasyon ang beripikasyon at pagbabayad ng kanilang mga pananagutan, pati na rin ang pagproseso ng application para sa tax clearance.