Posibleng pumalo sa higit 45 degrees Celsius ang matinding init sa bansa sa darating na 2027 dahil sa inaasahang Super El Niño, ayon sa babala ng Climate Change Commission (CCC).
Ayon kay CCC Commissioner Albert Dela Cruz, maaaring sumobra sa 1.5 hanggang 2 degrees Celsius ang pag-init ng mundo sa pagitan ng Pebrero at Abril 2027 na magdudulot ng extreme weather events at kakulangan sa ulan.
Unang makararanas ng matinding epekto ang Region 1, 2, at 3 simula sa huling bahagi ng taon bago tuluyang makaapekto sa halos lahat ng probinsya sa bansa pagpasok ng Marso at Abril.
Dahil sa banta sa suplay ng tubig, pagkain, enerhiya, at kalusugan, isinusulong ng CCC ang pagbabago sa class schedule sa mga paaralan at proteksyon para sa mga outdoor worker upang maiwasan ang bilad sa araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Bilang paghahanda, pinatitibay na ng Department of Education (DepEd) ang mga contingency plan, flexibility sa class schedules, at pagtuturo ng climate change concepts sa curriculum.
Nagpaalala naman ang komisyon sa publiko na huwag mag-panic o mag-hoard, at sa halip ay panatilihin ang pag-inom ng tubig, pag-aalaga sa mga halaman na nagbabawas ng init, at pakikipagtulungan mula sa pambansa hanggang sa antas ng barangay.
















