Pinayagan ng Senate impeachment court si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura na tumestigo bilang saksi ng prosekusyon sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Tinanggihan kasi ng korte ang mosyon ng depensa na alisin si Buenaventura bilang saksi. Ayon kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, hindi lubos na protektado sa subpoena ang mga rekord ng AMLC.
Ayon sa prosekusyon, maaaring ilahad ni Buenaventura ang mga rekord ng transaksyong may kabuuang P4.4 bilyon na kinasasangkutan umano ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025.
Kabilang dito ang umano’y P41 milyong cash withdrawal ni Carpio noong Agosto 6, 2024, pati P319 milyong remittance mula China sa CALE88 Foods Corporation at P14.88 milyong halaga ng mga tseke na umano’y may pangalan ni Duterte bilang benepisyaryo.
Binigyang-diin ni Escudero na limitado sa mga kaugnay na usapin ang testimonya ni Buenaventura at maaari itong isagawa nang in camera kung kinakailangan. Maaari pa ring tutulan ng depensa ang mga ilalahad na ebidensya.
















