-- Advertisements --

Sinabi ng Malacañang na hindi dapat isawalang-bahala ang alegasyon ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV na tumanggap umano ng pera mula sa Chinese government si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, dapat itong seryosong tingnan kung may sapat na ebidensyang susuporta sa alegasyon, lalo na’t maaari itong maging usapin ng pambansang seguridad.

Gayunman, sinabi ni Castro na wala pang inilalabas na impormasyon ang administrasyon sa ngayon at dapat munang mapatunayan ang alegasyon.

Binigyang-diin ni Castro na kung mapatutunayang may public official na tumanggap ng pera mula sa dayuhan kapalit ng pagtalikod sa interes ng bansa, magiging seryosong usapin ito laban sa katapatan sa bayan.

Sinabi rin ni Castro na kailangang managot ang sinumang mapatutunayang kumukunsinti o nakikibahagi sa naturang gawain.

“ Kung sapat ang ebidensya, hindi ito dapat isawalang bahala. Maituturing na pagtataksil sa bayan ang mga Filipino lalo na kung sila ay mga public official na kaya pala tahimik sa mga karahasang natatanggap ng iba nating mangingisda sa kamay ng mga dayuhan at ang iba naman ay handang ipamigay ang parte ng ating teritoryo o karapatan sa WPS ay dahil natatapalan ng pera ang kanilang mga mata para talikuran ang pagmamahal sa sariling bayan at ibenta ang ating kalayaan. Walang paghuhusga sa ngayon ang administrasyon ngunit dapat malaman ito ng mga kababayan natin kung may sapat naman na ebidensya. Ang mga kumukunsinte sa ganitong gawain ay dapat na kalusin hindi bukas… kundi ngayon! Huwag natin hayaan ang ibang opisyal pa natin ang siyang dudurog sa sarili nating bansa. Gumising tayong lahat!,” mensahe ni USec. Claire Castro na ipinadala sa Malacañang Press Corps.