Iniharap ng House prosecution panel sa Senate impeachment court ang testimonya ng AMLC Executive Director Ronel Buenaventura para patunayan umano na P319 milyon mula sa mga kumpanyang nasa China ang ipinadala sa Cale88 Foods Corporation, kung saan may 47.5 percent business interes umano si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay private prosecutor Atty. Mae Divinagracia, tatlo sa mga remittance ang iniulat ng bangko bilang kahina-hinala dahil umano sa kawalan ng legal o trade obligation at malinaw na layuning pang-ekonomiya.
Sinabi rin ng prosekusyon na halos P4.5 bilyon ang pumasok at lumabas sa 15 korporasyong may interes umano sina Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Bukod dito, sinabi ng prosekusyon na P4.4 bilyon ang kabuuang covered at suspicious transactions na direktang kinasasangkutan umano ng mag-asawa mula 2007 hanggang 2025.
Ayon sa prosekusyon, gagamitin ang mga rekord ng AMLC upang patunayan ang mga alegasyon sa Article II ng impeachment case laban kay Duterte.
















