Ipinagmalaki na inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na pagpapalakas ng mga benepisyo, insentibo, at suporta para sa mga guro.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagdiriwang ng national teachers day ngayong araw na ginanap sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Kabilang dito ang World Teachers’ Day Incentive Benefit na matatanggap ng mga guro tuwing Oktubre 5, gayundin ang Performance-Based Bonus para sa 2024 na patuloy nang ipinoproseso ng pamahalaan.
Ayon kay Pang Marcos, inatasan na ang mga kinauukulang ahensya na ayusin at pabilisin ang proseso ng pagbibigay ng bonus.
Sinabi din ng Pangulo na pinalakas din ng pamahalaan ang suporta sa mga guro sa pamamagitan ng pagpapalawak ng career opportunities, pagbawas sa classroom observations, at pagpapagaan ng mga gawaing administratibo.
Mahigit 82,000 guro at school heads na rin umano ang na-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression System.
Binigyang-diin din ni Pang. Marcos ang kahalagahan ng mga guro sa paghubog ng kaalaman, disiplina at pagpapahalaga ng mga kabataan.
Kasabay nito, sinabi niyang pinalalakas ng pamahalaan ang guidance at mental health support sa mga paaralan at mga hakbang laban sa bullying at karahasan.
Ayon sa Pangulo, mananatiling prayoridad ng administrasyon ang edukasyon at kapakanan ng mga guro.
















