-- Advertisements --

Naglabas ng 2026 APEC Leaders’ Declaration ang mga pinuno mula sa 21 miyembrong ekonomiya ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa pagtatapos ng 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China na pinamunuan ni Chinese President Xi Jinping.

Sa pahayag na inilabas nitong Nobyembre 21, 2026, nagkasundo ang mga lider na magtulungan upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya, isulong ang produktibidad, at palakasin ang paglago para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan.

Patuloy rin nilang isusulong ang market-driven economic integration sa rehiyon ng Asia-Pacific, kabilang ang pagpapatuloy ng mga hakbangin sa ilalim ng Free Trade Area of the Asia-Pacific (FTAAP) agenda.

Tinukoy sa nasabing deklarasyon ang apat na pangunahing larangan ng pangako at kooperasyon ng mga kasaping ekonomiya, na kinabibilangan ng kalakalan at pamumuhunan, konektibidad, inobasyon, at paglago ng ekonomiya.

Nakatakda namang muling magpulong ang mga lider ng APEC sa taong 2027 sa Phu Quoc, kung saan ang bansang Viet Nam ang magsisilbing bagong tagapangulo at host ng susunod na APEC Economic Leaders’ Meeting.