Nagbabala si dating national security adviser Clarita Carlos laban sa padalos-dalos na hakbang ng Pilipinas sa gitna ng tensyon sa China, at iginiit na dapat pairalin ang pag-iingat sa pagharap sa mga usaping diplomatiko bago ang ASEAN summit sa susunod na buwan.
Ayon kay Carlos, kailangang timbangin ng pamahalaan ang posibleng epekto ng mga hakbang gaya ng pagdedeklarang persona non grata sa isang diplomat o tuluyang pagputol ng diplomatikong ugnayan sa Beijing.
Aniya, maaaring lumawak ang epekto ng mga ito sa ekonomiya, kalakalan at iba pang ugnayan ng dalawang bansa.
Hinimok din niya ang mga opisyal ng pamahalaan na iwasan ang mga pahayag na maaaring magpalala ng tensyon at sa halip ay pairalin ang diyalogo at umiiral na mga diplomatikong paraan upang maresolba ang mga hindi pagkakaunawaan.
Binigyang-diin ni Carlos na mahalagang manatiling mahinahon ang pilipinas habang naghahanda itong mag-host ng ASEAN summit at dadalo naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa APEC economic leaders’ meeting sa China.
Aniya, dapat maging malinaw at magkakaugnay ang mga pahayag ng pamahalaan sa foreign policy upang maiwasan ang paglala ng sigalot.
















