-- Advertisements --

Malugod na tinanggap ng Chinese Embassy sa Maynila ang muling pagpapatibay ng Pilipinas sa one China policy, na tinawag nitong napapanahon at kinakailangan sa gitna ng mga usapin tungkol sa Taiwan.

Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (dfa), kinikilala ng Pilipinas ang people’s republic of China bilang nag-iisang lehitimong pamahalaan ng china at nauunawaan at iginagalang ang posisyon ng Beijing na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan.

Nakabatay ang polisiya sa 1975 Philippines-China joint communique.

Gayunman, tinutulan ng embahada ang naunang puna ng DFA sa mga pahayag nito sa social media, na tinawag ng ahensya na Hindi diplomatiko at nakaaapekto sa tiwala at pagsisikap na mapatatag ang ugnayan ng dalawang bansa.

Iginiit ng Chinese Embassy na patuloy nitong ipagtatanggol ang interes at dignidad ng China, ngunit nakahanda rin itong pamahalaan ang mga pagkakaiba sa Pilipinas sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.

Samantala, hinimok ng DFA ang lahat ng dayuhang diplomat na maging maingat at responsable sa kanilang mga pampublikong pahayag, at sinabing nakalaan sa Pilipinas ang karapatang magsagawa ng karagdagang hakbang diplomatiko kung kinakailangan.