Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na susundin ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng 2024 at 2025 national budget, habang nililinaw pa ang epekto ng ruling sa ilang bahagi ng 2026 budget.
Ayon kay Gatchalian, hindi ang buong 2026 General Appropriations Act (GAA) ang idineklarang unconstitutional, kundi ang dalawang partikular na probisyon na may kinalaman sa pagpapalabas ng unprogrammed appropriations.
“Those two provisions, iyon ang spirit ng unprogrammed appropriations, iyong excess tsaka iyong new taxes,” paliwanag ni Gatchalian.
Tumutukoy ang unprogrammed appropriations sa mga pondong nakalaan para sa mga gastusin ng pamahalaan ngunit maaari lamang ilabas kapag natugunan ang mga itinakdang kondisyon sa pagkakaroon ng sapat na mapagkukunan ng pondo.
Sa desisyon ng Korte Suprema, pinawalang-bisa ang mga probisyon sa 2026 national budget na nagpapahintulot sa pagpapalabas ng unprogrammed funds batay sa sobrang koleksiyon mula sa mga indibidwal na non-tax revenue sources o sa mga bagong mapagkukunan ng kita.
Ayon sa Korte Suprema, hindi labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations sa lahat ng pagkakataon. Gayunman, dapat malinaw ang mga kondisyon sa pagpapalabas nito at naaayon sa mga limitasyon sa pambansang budget na itinakda ng Konstitusyon.
Kabilang din sa ruling ang pagdedeklarang unconstitutional sa 2024 national budget matapos dagdagan ng Kongreso ng P449.5 bilyon ang unprogrammed appropriations, mula sa P281.9 bilyong iminungkahi ng Pangulo sa National Expenditure Program (NEP) hanggang sa P731.4 bilyon sa naipasa at naaprubahang budget.
Sa 2025 budget naman, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang P17.99-bilyong pagtaas sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Special Road Fund.
Samantala, sa pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, humingi ang mga senador ng paglilinaw sa Department of Budget and Management (DBM) kung paano tutugunan ang mga probisyon sa unprogrammed appropriations kasunod ng desisyon ng Korte Suprema.
Tiniyak naman ni Budget Secretary Kim Robert de Leon na makikipagtulungan ang DBM sa Kongreso upang matukoy ang mga hakbang na kailangang gawin upang matiyak na ang mga probisyon sa pambansang budget ay naaayon sa ruling ng Korte Suprema.
Layunin ng paglilinaw na matiyak na ang pagpapalabas at paggamit ng pondo ng bayan ay sumusunod sa Konstitusyon at sa mga itinakdang pamantayan sa responsableng pamamahala ng pampublikong pondo.














