-- Advertisements --

Isinusulong na ng Department of Transportation (DOTr) ang plano nitong ilipat sa pribadong panunungkulan ang Metro Rail Transit Line 3 o MRT-3 pagpatak ng 2027 sa layong gawing mas mabisa ang operasyon nito.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, target ng ahensiyang tapusin ang bidding process ng naturang turnover sa kalagitnaan ng 2027.

Sa panukalang concession na nagkakahalaga ng ₱103.6 billion ayon sa huling estimate, ay maiililipat sa isang kwalipikadong pribadong operator ang awtoridad, hindi lang sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng operasyon ng nasabing linya ng tren, maging sa mas pagpapabisa ng serbisyo nito.

Inaasahan namang mas mapadadali nito ang pagbabyahe ng higit 388,000 na komyuter na umaasa sa nasabing linya kada araw.

Kinumpirma na rin ng kalihim na iaalok sa hiwalay an concession ang MRT-3 sa halip na katuwang nito ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) batay sa inisyal nitong plano na ipagsama sa isang kontrata ang dalawang linya.

Sa kabilang dako naman, tina-target na rin ng gobyerno na kumpletuhin ang bidding process para sa isa sa pinakamalaki nitong railway infrastructure project na North South Commuter Railway (NSCR) sa kalagitnaan ng 2027.

Bumabagtas ng halos 147 kilometro mula Clark International Airport sa Pampanga hanggang Calamba, Laguna, inaasahan naman itong magbibigay ng serbisyo sa tinatayang 800,000 na pasahero kada araw para sa mas pinadaling pagbyahe sa pagitan ng Central Luzon, Metro Manila, at Southern Luzon.