-- Advertisements --

Ikalawang araw na simula ng ipinatupad ang bagong taas-pasahe sa bansa matapos maging epektibo kahapon, Setyembre 28, kasunod ng inilabas na aprubadong fare adjustment ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pampublikong sasakyan.

Base sa bagong taripa, umakyat na sa P14 ang minimum na pamasahe sa mga traditional jeepney para sa unang apat na kilometro mula sa dating P13, na may dagdag na P2 sa bawat kasunod na kilometro. Sa modern jeepney naman, naging P17 na ang minimum mula sa dating P15, kasama ang P2.40 dagdag sa bawat susunod na kilometro.

Kasama rin sa fare adjustment ang iba pang pampublikong sasakyan tulad ng mga city at point-to-point buses, airport at regular taxis, pati na rin ang Transport Network Vehicle Services (TNVS) at Utility Vehicle Express.

Kaugnay nito, hati ang naging reaksiyon ng ilang komyuter nang makapanayam ng Bombo Radyo.

Para kay Dan Francis, na araw-araw na bumabiyahe mula Batangas patungong trabaho, mabigat aniya sa bulsa ang taas-pasahe lalo na bilang minimum wage earner, apektado rin umano ang nakalaan niya sanang budget para sa pamasahe.

Para naman kay Tatay Edie, wala naman daw siyang nakikitang problema rito dahil malaking tulong ito sa mga tsuper at operator para may sapat na maiuwi sa gitna ng mataas na bilihin, at upang hindi na rin umasa pa sa ayuda ng pamahalaan.

Matatandaang matagal nang panawagan ng transport sector ang dagdag-pasahe bunsod ng patuloy na pagmahal ng produktong petrolyo dahil sa tensiyon sa Gitnang Silangan, na pinalala pa ng pagtaas ng halaga ng dolyar.