Hiniling ng grupong MANIBELA na ma-rollback na sa tamang halaga ang presyo ng petrolyo upang matuldukan na ang paghihirap ng mga tsuper.
Dagdag pa nito, ito rin aniya ang ugat ng kasakiman at korapsiyon sa bansa na nais nilang malabanan.
Ayon sa grupo, isa ito sa kanilang pangunahing layunin kung bakit itutuloy nila ang isasagawang kilos-protesta sa Lunes, Setyembre 28, kasabay ng kanilang pagpapasalamat sa pagtugon ng pamahalaan na kahit papaano ay makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Inaasahang makakasama nila rito ang iba’t ibang grupo ng mga tsuper, rider ng motorsiklo, Transportation Network Vehicle Services o TNVS, pati na ang iba pang koalisyon sa sektor ng transportasyon.
Ito’y kahit pa kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na naglabas na siya ng memorandum sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang bawiin ang suspensyon sa fare increase na unang inaprubahan noong Marso.
Sa ilalim ng kautusang ito, ipatutupad na ang isang pisong dagdag sa minimum na pasahe para sa mga tradisyunal na jeepney na magiging P14 mula sa dating P13, may kasama pang P2 dagdag sa bawat sumunod na kilometro. Pumapalo naman sa P17 ang minimum para sa modern jeepneys.
Giit ng grupo, hindi sila titigil sa pagpapaabot sa pamahalaan ng hirap na dinaranas ng mga tsuper.
Lalo na’t patuloy pa rin ang serye ng oil price hike sa bansa bunsod ng patuloy na tensyon sa Middle East at pagtaas ng dolyar.
















