Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya na tiyakin ang ligtas at maayos na biyahe ng mga biyahero ngayong Undas, kasunod ng pag-isyu ng mahigit 1,000 special permits para sa mga karagdagang bus.
Ayon sa Pangulo, naglabas ng mga permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matiyak na sapat ang masasakyan ng mga uuwi sa probinsya at bibisita sa mga sementeryo.
“Tinitiyak natin na may sapat na masasakyan ang ating mga kababayan. Nagbigay na ang LTFRB ng mahigit isang libong special permits para sa mga dagdag na bus,” pahayag ni Pang. Marcos.
Iniutos din ng Pangulo ang mahigpit na inspeksyon sa mga paliparan, pantalan at bus terminal, habang nagpapatuloy ang pagkukumpuni sa mga pangunahing kalsada upang maiwasan ang abala sa biyahe.
“Ngayong darating na Undas, marami sa ating mga kababayan ang uuwi sa kani-kanilang probinsya o dadalaw sa mga sementeryo upang alalahanin at ipagdasal ang kanilang mga mahal sa buhay. Kaya nais nating tiyakin na magiging ligtas, maayos, at maginhawa ang kanilang pagbiyahe at pagdalaw,” dagdag pa ni Pang. Marcos.










