Arestado ang isang 50 años na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Martes, Nobyembre 10, matapos umano itong mag-bomb joke.
Ayon sa PNP Aviation Security Group (PNP-AVSECG), tungo sanang Hong Kong ang pasahero nang magbiro umano ito tungkol sa bomba habang nagpapaliwanag ng ilang restriksyon sa dangerous goods and electronic devices ang isang airline passenger service agent.
Dito anila nagsabi umano ang lalaki na, “Bomba, may bomba yan,” na nag-udyok sa awtoridad na magkasa ng imbestigasyon, katuwang ang Explosive Ordinance Disposal (EOD) team.
Bagama’t walang nakitaang uri ng explosives o incendiary materials ang bagahe ng pasahero matapos itong inspeksyunin, inaresto ito ng mga pulis at agad na dinala sa NAIA Police Station 1.
Inihahanda na rin ng awtoridad ang naaangkop na reklamong isasampa laban sa pasahero sa umano’y paglabag nito sa Presidential Decree No. 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law.















