-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkadismaya at naging emosyonal si Senator-Judge Pia Cayetano sa gitna ng pagtatanong ng prosecution tungkol sa mahigit P256,000 na ginastos sa pagbili ng mga sapatos para sa mga batang atleta.

Naganap ito sa cross-examination kay defense witness Chadrin Parian, ama ng isa sa mga batang miyembro ng basketball team na Elite Philippines, kung saan kabilang din ang anak ni Atty. Manases Carpio.

Tinalakay sa pagdinig ang pagbili ng mga sapatos sa isang Nike store sa Kuala Lumpur, Malaysia, na binayaran umano gamit ang credit card ni Carpio na nagkakahalaga ng P256,882.50.

Sa gitna ng pagtatanong, ibinahagi ni Cayetano na nakabili na rin siya ng mga sapatos bilang suporta sa mga atleta.

Ayon sa senador, hindi maganda ang mensaheng maaaring maiparating sa mga magulang na nagsisikap tumulong at sumuporta sa mga batang nangangarap na maging atleta.

Giit ni Cayetano, maaaring mawalan ng gana ang mga taong nais mag-abala at gumastos para sa kapakanan ng mga atleta kung ganito ang magiging dating ng mga pagtatanong.

“The way you are presenting it, you are telling law-abiding citizens like me, mothers na nagmamalasakit like me, ‘Huwag ka nang mag-abala. Hayaan mo na lang ’yung mga athlete na ’yan.’ That’s the message that you are sending,” pahayag ni Cayetano.

Dagdag pa niya, may karapatan ang mga senador na magtanong at alamin kung kailan dapat nang huminto sa pagtatanong.

“It is our choice to know what questions to ask. It is our choice to know when to stop,” aniya.

Humingi rin ng paumanhin ang senador matapos amining naging emosyonal siya sa naturang usapin.

Matatandaang bahagi ng paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ang pagsusuri sa mga gastusin at transaksiyong iniuugnay sa kaniyang pamilya, kabilang ang mga pagbiling ginawa gamit ang credit card ni Carpio.