Patuloy na ikinababahala ng House Prosecution panel ang kontrobersyal na video na ibinahagi ni Sen. Pia Cayetano kaugnay ng face-off nina Sen. Alan Peter Cayetano at House prosecutor Chel Diokno.
Unang umani ng batikos ang hakbang na ginawa ng senator-judge dahil ang naturang video ay sinadyang na-edit mula sa orihinal na kopya at hayagang binago ang konteksto.
Sa isang panayam, sinabi ni House panel spokesperson, Atty. Benjamin Tolosa Jr., na pinag-aaralan na ng prosecution kung dadalhin o babanggitin nila sa Senate Impeachment Court ang naturang video.
Bagaman una na rin itong sinagot ni Rep. Diokno, nananatili aniya ang pagkabahala ng House panel sa naging hakbang ng senator-judge.
Sa huli aniya, nasa kamay pa rin ng presiding chair at ng mga miyembro ng impeachment court kung tatawagin ang pansin o paaalalahanan ang kanilang kapwa miyembro kaugnay ng naturang usapin.
Naniniwala si Atty. Tolosa na hindi ito simpleng issue at kailangan ding suriin nang mabuti, lalo na ang implikasyon nito sa nagpapatuloy na trial.
















