-- Advertisements --

Hindi dapat isantabi ang mga alegasyong ibinunyag ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV, lalo’t “very serious” ang mga ito, ayon kay prosecution counsel at legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr.

Sinabi ni Tolosa na susuriin ng House prosecution panel ang mga pahayag ni Trillanes at itutugma ang mga ito sa mga opisyal na dokumentong inaasahang ihaharap ng kanilang mga susunod na testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Bagama’t hindi maaaring direktang gamitin sa paglilitis ang mga pahayag ni Trillanes dahil ginawa ang mga ito sa labas ng korte, iginiit ni Tolosa na hindi dapat balewalain ang mga ito dahil sa bigat ng mga alegasyon.

Kabilang sa mga binanggit ni Trillanes ang mahigit P300 milyon na umano’y dumaan mula sa mga kumpanyang nakabase sa China sa kumpanyang pag-aari ni Manases Carpio, asawa ni Duterte; mahigit P100 milyon sa bank accounts nina Duterte at Carpio; at isang P80-milyong cash transaction sa loob lamang ng isang araw.

Inaasahang ihaharap ng prosekusyon sa Lunes si Anti-Money Laundering Council Executive Director Atty. Ronel Buenaventura, na tatalakay sa mga transaksiyon sa bank accounts ng Duterte-Carpio couple.

Susundan siya ng mga kinatawan ng mga bangko at insurance companies na may hawak na accounts o financial instruments ng mag-asawa, bago tumestigo ang isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue hinggil sa kanilang income net of taxes.