Kinuwestiyon ni Senator-Judge Robin Padilla kung bakit ginagawang usapin sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pagpunta sa China ng naunang defense witness.
Nangyari ito nitong Huwebes, sa ika-43 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ibinahagi ni Padilla na dalawang beses na rin siyang nakapunta sa China, kabilang ang isang pagkakataong kasama niya ang dating Pangulong Rodrigo Duterte. Gayunman, aminado siyang hindi rin niya matandaan kung saang mga lugar sila nagtungo.
Ayon kay Padilla, maging siya ay kinailangan pang magtanong sa kaniyang staff upang malaman kung saan siya nakapunta sa China dahil hindi na niya maalala ang mga lugar na kaniyang nabisita.
Nilinaw naman ni House prosecutor Rep. Terry Ridon na hindi ang mismong pagpunta sa China ang kinukuwestiyon ng prosecution kundi ang mga sagot ng testigo na aniya’y may kinalaman sa kaniyang kredibilidad.
Paliwanag ni Ridon, ilang beses umanong hindi diretsahang nasagot ng testigo ang mga tanong tungkol sa biyahe, at kinailangan pang magbigay ng karagdagang detalye ang mga senator-judge bago nito nakumpirma ang ilang impormasyon.
Sa panig naman ni Padilla, iginiit niyang dapat ding bigyan ng konsiderasyon ang mga testigong nagsasabing hindi na nila matandaan ang ilang detalye.
Matatandaang tinanong ng prosecution at ilang mga senador ang naunang witness ng depensa na si Davao City Assessor Jaime Adalin tungkol sa kaniyang biyahe sa China, kabilang ang pagpunta sa Beijing at pag-uwi mula sa Shanghai.















