-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa ng Davao City Assessor na si Engr. Jaime Adalin, at tinanong kung paano nito natutustusan ang mga naturang biyahe sa kabila ng kaniyang buwanang suweldo.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, inusisa ni Tulfo si Adalin tungkol sa kaniyang mga biyahe sa China, kabilang ang paglalakbay noong Nobyembre 12, 2018.

Sinabi ng assessor na tila wala siyang record ng naturang biyahe. Gayunman, kinumpirma niya na nagtungo siya sa China noong Enero 25, 2026.

Ayon kay Tulfo, dalawang araw lamang namalagi sa China ang testigo. Binanggit din ng senador ang iba pang bansang napuntahan umano ni Adalin, kabilang ang Hong Kong, Thailand at Australia.

“Hindi kita nilalait, pero magkano ba ang sweldo mo para ikaw ay palaging nakakapag-abroad?” tanong ni Tulfo.

Sumagot naman si Adalin na nasa P120,000 kada buwan ang kaniyang suweldo bilang department head.

Matatandaang sumalang si Adalin bilang testigo ng depensa sa impeachment trial, kung saan tinatalakay ang mga ari-arian at impormasyong nakasaad sa SALN ni Duterte.