-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senator-Judge Raffy Tulfo na direktang paghambingin ng Senate Impeachment Court ang titulo ng lupang idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at ang property na kasalukuyang tinatalakay sa paglilitis.

Layunin ni Tulfo na mapabilis ang pagtalakay sa naturang ari-arian sa pamamagitan ng pagtapat sa dalawang dokumento upang agad matukoy kung magkatugma ang mga detalye ng mga ito.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Lunes, Nobyembre 9, sinabi ni Tulfo na maaari nilang ipasubpoena ang titulo ng property na nakasaad sa SALN ni Duterte sa Davao City at ihambing ito sa titulong tinatalakay sa kasalukuyang pagdinig.

Ayon sa senador, kung magkatugma ang dalawang dokumento ay maaari nang matapos ang usapin tungkol sa naturang ari-arian. Kung hindi naman, maaari pang ipagpatuloy ang pagsusuri.

“Pag-umbagin na natin. Kung nagkakatugma, then tapos ang usapan. Kung hindi magkatugma, then tuloy natin usapan,” pahayag ni Tulfo.

Bilang tugon, sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na nasa ebidensiya na ng korte ang titulo at kinilala na ito ng magkabilang panig.

Nang muling linawin ni Tulfo kung ang tinutukoy ay ang titulo ng lupang idineklara ni Duterte sa kaniyang SALN at ang property na kasalukuyang sinusuri, sinabi ni Escudero na batay sa testimonya ng saksi, iisa lamang ang mga ito.

Ang naturang palitan ng mga pahayag ay naganap habang tinatalakay ng depensa ang isang ari-arian sa Juna Subdivision, Matina Crossing, Talomo, Davao City na nakarehistro kay Atty. Manases Carpio, asawa ng Bise Presidente.

Nauna nang kinumpirma ni Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na si Carpio ang registered owner ng naturang property. Ayon sa opisyal, nasa P82,046 ang assessed value nito, habang P1,864,680 naman ang market value.

Matatandaang ang usapin sa mga ari-arian at deklarasyon sa SALN ay bahagi ng natitirang Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth at mga isyu sa pagdedeklara ng kaniyang mga pag-aari.

Sa mungkahi ni Tulfo, nais niyang mapadali ang pagresolba sa usapin sa pamamagitan ng direktang paghahambing sa mga dokumentong may kaugnayan sa naturang property.